Amateurish Horror Story 1: Kambal

Nasa gitna ng magandang tulog si Alma, nang siya ay maalimpungatan. May narinig kasi siyang kumalabog sa may bandang kusina.

“Tokwa talaga ‘tong pusa ng kapitbahay, hindi nagpapatulog!” amok na sinabi ni Alma habang sinusuyod ang daan patungong kusina.

Tuloy lamang ang kanyang paglalakad habang patuloy na kumakalabog ang mga gamit sa kusina. Ngunit nagtaka si Alma nang naramdaman niyang palakas nang palakas ang kalabog habang siya’y papalapit. Dahil dito’y binalikan niya ang kanyang kuwarto para kunin ang kanyang panangga sa kung sino man ang kahaharapin niya sa labas. Ngunit napamura siya nang malakas nang makita niya ang kanyang sarili sa kama, nakatalikod.

“Tangina,” mahinang bulong nito sa sarili. Nanlaki lalo ang kanyang mata nang lumingon ang kanyang imahe. Duguan ito, walang mata, at tila nanghihingi ng tulong.

“Grrrrrrrrrrrraaaaaaaaaaahhhhh” bulyaw ng imahe ni Alma, habang itinuturo nito si Alma. Dito’y nagmadali na ring bumaba si Alma at dali-daling binuksan ang pinto para lumabas ng kanyang inuupahan. Dali-dali ring sumunod sa kanya ang imahe, na tila kukunin siya.

“MGA KAPITBAHAY, TULONG!” naghuhumiyaw na sambit ni Alma, habang lumalayo sa kanyang bahay, na pagewang-gewang ang lakad. Napansin naman siya ng isang sekyu ng bangko na malapit sa kanila.

“Ate, ok ka lang?” tanong ng gwardya na halata sa hilatsa ng mukha na walang alam sa mga nangyayari.

“Hindi ako ok, kuya!” diretsang sagot ni Alma. “May humahabol sa akin, babae! Tulungan mo akong magtago!”

“Sino?” takang tanong ng gwardya. “Baka kilala ko.”

“Kamukha ko! Kaso parang matagal nang patay! Bangkay na!” paglalarawan ni Alma sa gwardya, nang may kasama pang paggalaw ng kamay.

“Ah, parang ganito ba?” tanong ng gwardya, nang bigla itong magpalit ng anyo, at maging katulad nga ng taong nakita ni Alma sa kanyang kama. Dahil dito’y napasigaw at napaiyak si Alma sabay takbo palayo muli sa kanyang imahe.

Nagpatuloy si Alma hanggang sa makarating ito sa isang dead end. Dito na siya napagod at umiyak, hanggang sa matagpuan siya ng kanyang imahe. Dito ay naghumiyaw at muling umiyak si Alma, habang papalapit ang imahe. Doon na nagising si Alma.

“Badtrip naman oh! Hanggang sa panaginip gusto mo akong patayin ha, Amanda?!” sigaw niya sa bangkay na nakahimlay sa kamang katabi niya. “Tama na, ate! Patay ka na!” sagot pa nito, saka bumalik sa pagtulog, na parang walang nangyari.