Miranda

Madalas kong makita ang katawan mo – ang hubog, kinis, anyo, lahat.

Madalas kong marinig ang tinig mo – tipong parang anghel sa langit na tinatawag ako paakyat

Madalas kong maamoy ang natural na bango ng iyong katawan – bango na hindi na kailangan ng anupamang pabango

Madalas rin kitang matikman – ang iyong labing kasintamis ng mansanas sa tag-init, maging ang iyong kaanyuang hinubog at tila ay handog ng langit.

 

Ngunit sa kabila ng lahat, bakit wala pa rin akong madama?

Bakit tila walang pagmamahal na umuusbong sa ating dalawa?

 

Mananatili na lamang bang tayo’y nakikipaglaro sa ating nadarama?

O aaminin sa isa’t-isa na wala talaga?

 

Na pineke ang lahat? Walang katotohanan?

At kaya na lamang tayo nananatili dahil inangkin na natin ang kabuuan ng isa’t-isa?

 

Huwag sana huminto ang kung ano mang meron tayo ngayon

Sa tinginan, amuyan, rinigan, at tikiman lamang.

 

Tao rin tayo, may nararamdaman.

At umaasa rin ako na balang araw, ay magkakaroon rin ng init ang apoy na matagal na nating pinagsasaluhan.