Maria

Hawakan mo ang aking kamay

Ako ay matagal nang manhid sa mundo

Wala nang nararamdaman

Maging sa mga sandaling kailangan kong lumuha

Wala na akong pag-asang natitira sa pagmamahal

Manhid sa sakit ng bawat paglisan

Sa bawat pag-alis, sa bawat paglayo

Manhid na ako

Ipikit mo ang aking mata

Pagod na akong lumuha

Pagod na sa kaiiyak

Pagod nang dumilat, gumising tuwing umaga

Sa realidad na wala ka sa aking tabi

Hilumin mo ang sakit

At gawing buhay muli ang aking patay nang mata

Takpan mo ang aking tainga

Mula sa kasinungalingan at pangungutya

Mula sa mapanakit nilang panghuhusga

Mula sa ingay ng kanilang ‘di pagsang-ayon sa atin

At tanging iparinig mo lamang

Sa akin ang tibok ng iyong puso

At ang sigaw ng ‘yong damdamin

Na ako’y sa’yo at ika’y akin

Halikan mo ang aking mga labi

Huwag mo akong pagsalitain

Iwan mong ang lahat ng laman ng utak ko’y

Lumutang sa alapaap

At ating lasapin ang tamis at init ng ating mga labi

Dahil ito ang tamis ng pagmamahal

Ang pinagsama nating hininga

At ng ating pagtibok ng puso

Alisin mo ang aking damit

Pagsaluhan natin muli ang gabi

Angkinin natin ang liwanag ng buwan

Hanggang sa sumapit muli ang kinabukasan

Kung saan ika’y muling lilisan

At ako’y babalik muli sa katotohanang

Ako’y isang babaeng nabubuhay lamang

Sa tawag ng laman

Advertisements

Amanda

“Hey~”

Bigla na namang tumugtog ang kanta ng The Chainsmokers nang makita kita kanina sa liwasan. Nakangiti, masaya. Nababanaag sa mukha mo ang kaligayahan habang kausap mo ang iyong mga kaibigan. Sa kasarapan nga ng usapan n’yo, siguro hindi mo rin ako napansin. Nahiya na rin akong mag-“Hey!” noon, kaya binilisan ko na lang ang lakad ko at itinuon ang atensyon ko sa sapatos kong kunwari ay natanggal sa pagkakasintas. Nagulat lang ako dahil habang payuko ako ay narinig ko ang pangalan ko, hindi malayo sa aking kinatatayuan. 

“George?”

“Uy, hello!”

Sabay nating kinawayan ang isa’t isa, wari’y gustong mangumusta.

“Kumusta ka?”

“Okey naman–naku pasensya, male-late na ako sa klase.”

Gusto man nating makipag-kumustahan ay hindi naman ito pinahintulutan ng pagkakataon. Maling oras, maling panahon. 

Sumulyap akong kaunti sa’yo habang lumalakad palayo. Hindi ka na nakangiti. Inalis na ng unti-unti kong paglayo ang saya na hatid ng pagkikita natin. Gusto ko man ding lumapit ay hindi ko kaya. Quiz namin sa Trigo.

Hindi ko maipaliwanag ang nadarama sa tuwing kita’y nakikita. Gusto kitang makausap ngunit inuunahan ako ng takot pagkabagabag at hiya sa sarili. Ilang beses na rin kasi akong nadaan sa ganitong klaseng sitwasyon kung saan itinuturo sa akin ng tadhana na sana ay hindi ka na lang kumibo nang hindi ka nasasaktan. 

Nararamdaman ko ring gusto mo akong makausap. Sa mga ngiti mo tuwing nagkakasabay tayo sa hagdan, sa mga simpleng kaway habang nagkakasabay tayong pumila sa kainan, maging sa pagtawa sa mga biro kong minsan ay parang sa Mars kinuha. Senyales, kumbaga, na nagkakasundo tayo sa mga bagay-bagay. Senyales, kumbaga, na maaaring ikaw at ako ay maaaring tawaging “tayo”.

Ngunit gaya nga ng sinabi ko habang nagki-quiz kami sa Trigo, WALA AKONG ALAM. Hindi ko alam kung pareho ba tayo ng nararamdaman.

Hindi ko alam kung pareho ba ang tugtog ng ating mga puso.

Hindi ko alam kung tunay rin bang may malalim pang dahilan ang bawat pagngiti mo sa akin at pagngiti ko sa iyo.

Hindi ko alam. Wala akong alam.

Kaya hindi ko rin masisi kung hindi ko magawang isulong ang sarili ko at maglakas-loob na kausapin ka. At hindi rin kita masisisi kung ganu’n rin ang nararamdaman mo. Parehas nating nararamdaman ang takot, ngunit alam kong saglit na lang. Malapit na ang panahong maipagpapatuloy ko ring kantahin sa iyo ang kantang nagsisimula sa “Hey” nang parehong may ngiti sa mga labi at tuwa sa damdamin.