Canvas

Kasalukuyan kong kaharap ang isang munting canvas. Katabi ko ang isang palette ng watercolor. May labindalawa itong kulay – Kahel, Luntian, Dilaw, Asul, Pula, at iba pang mga kulay na hinango lamang sa mga ‘di kilalang kulay sa 64 colors na Crayola. Subalit, wala sa anumang kulay na nabanggit ko ang maaaring maglarawan sa kung paano ko maipipinta ang sarili ko, lalo’t habang matagal kong binababad sa pagtingin ko ang watercolor ay lalo itong nawawalan ng kulay at saysay – damdaming hindi rin naipaliliwanag ng simpleng pagguhit sa blangkong canvas.

Brush.

Sa tabi ng palette ng watercolor ay napansin ko ang isang gamit nang brush. “May gumamit na nito,” sambit ko sa aking sarili habang sinisipat ko ang brush. Bakas sa mga magkakahalong kulay ng kahel, luntian, at asul ang katandaan ng brush, maging sa mga buhok nitong tila ay ginamit rin sa ngipin. Aba syempre’y nairita ako. Hindi ko pwedeng ipinta ang sarili ko gamit nito, kaya sinimulan ko ang paghahanap sa isa pang brush. Sinipat ko muli ang palette ngunit wala akong nakita. Tinignan ko ang aparador na pinapatungan ng palette ngunit wala rin. Inikot ko ang pinaglulugaran ng canvas, ang upuan ko, maging ang bag sa tabi ko, ngunit wala talaga. Walang extra. Kaya sa pagkakataong iyon, napagdesisyunan ko na lamang na gamitin ang hawak kong brush. Wala rin namang mawawala kung gagamitin ko ito. Siguro.

Pula.

Sinimulan kong ipahid ang brush sa Pulang kulay. Pagkatapos ay iginuhit ko ito nang madiin sa canvas. Sa sobrang diin ay nabutas ang canvas. Napamura ako. Wala akong pangalawang canvas. Sa puntong iyon, hindi ko na alam ang gagawin ko. Nabutas na ang kaisa-isa kong canvas. Nawalan bigla ng direksyon ang buhay ko. Sinlaki ng butas sa canvas ang butas na unti-unting lumalamon sa katinuan ko sa mga oras na iyon. Unti-unting hinihigop ng butas ang lahat: pagod, emosyon, kapasidad na mag-isip nang mabilis at iba pa. Sinimahan pa ito ng biglang pagdaan ng ng mga nagdaang pagkakataon sa aking buhay na ako’y masaya, puno ng sigla at walang iniisip na kung ano. Napatigil na lamang ako nang mapansin ko ang pag-agos ng luha sa aking mga mata. Luha ng pagod, ngunit hindi luha na dulot ng emosyon. Napansin kong nasa paanan ko na ang canvas na tuluyan nang nasira, mistulang pinunit sa pamamagitan ng pagsuntok.

Papel.

Dahil dito’y naghanap na lamang ako ng papel sa bag sa tabi ko. Ikinabit ko ito sa frame ng canvas at nagsimulang maghalo ng mga kulay habang patuloy sa pagluha. Asul, Kahel, Luntian, Pula. Asul, Kahel, Luntian, Pula. Asul, Kahel, Luntian, Pula. At natapos rin ako. “Hindi ko na uulitin ito.” Padabog kong iniwan ang kwarto habang nakasulat sa papel ang isang salita sa iba’t-ibang kulay.

TULONG.

Advertisements