Helga

Akin muling nasulyapan

Ang iyong mga ngiti pagsapit ng dapithapon

Akin muling nasilayan

Ang pagliwanag ng iyong mukha

Matapos ang ilang taon ng paglamlam nito

Akin muling nasilayan

Ang nakilala kong Helga

Ang kinaibigan kong Helga

Ang inibig kong Helga

Akin muling nasilayan

At habang ako’y nakatitig sa iyo

Ay nagbalik bigla ang mga alaalang

Akala ko ay hindi na muling maaaninag

Mga panahong kasing-liwanag mo ang lamparang

Tanging tanglaw natin tuwing gabi

Mga panahong kasing-saya mo ang araw

Sa tuwing ito’y uusbong mula sa pagkakahimbing

Ang aking bukang-liwayway

Ang aking bagong umaga

Ang aking tanging pag-asa

Ang tanging dahilan kung bakit ako bumabangon

Gaya ng sabi ng ating paboritong kape

At sa iyong muling pagngiti

Umaasa akong ito’y tuluyan nang mamamalagi

Habang tayo’y magkapiling, at iisa ang tibok ng puso

At umasa kang sasabayan kita sa pagngiti

Nang sa gayon ay malaman mong

Hindi na ako muling lilisan sa tabi mo

Hindi ka na muling mag-iisa

Hindi ka na muling aasa sa wala

Dahil sabay na nating tutuparin ang ating mga pangarap

Wala nang maiiwan, wala nang mang-iiwan

Wala nang madadapa

Dahil sa iyong mga ngiti, Helga

Ang magandang kinabukasan nati’y tanaw ko na

 

At hindi ka na muling luluha pa

 

Kaya tahan na, Helga

 

Ipaghehele na kitang muli, Helga

 

Dahil andito na si papa, Helga

 

 

 

Andito na ako, Helga

father-and-daughter-silhouette-494x329.jpg

Advertisements

Nagseselos ka ba?

Oo, nagseselos ako.

Nagseselos ako kahit alam kong mali.

Na hindi dapat. Hindi dapat kayo magkakilala.

Nagseselos ako dahil mabigat sa loob kong makita kang napapangiti ka niya.

Nagseselos ako dahil hindi ko matapatan ang itsura, karisma, pati tindig niya.

Nagseselos ako dahil hindi ko kayang matanggap sa sarili kong wala akong magagawa.

Na ito na ako. Wala na akong ibubuga pa, kahit may gasolina pa siya.

Nagseselos ako dahil ako dapat ang nasa posisyon niya.

Nagseselos ako dahil bukambibig mo pa rin siya kahit tayong dalawa na lang ang magkasama.

Nagseselos ako dahil kahit alam kong wala kang nararamdaman para sa kanya, ay ninanakaw niya ang atensyong dapat ay akin.

Nagseselos ako. Nagseselos ako dahil may damdamin din ako.

Tao ako. Minamahal ang isang tulad mo. Pero paano ako makakapasok sa eksena kung ngayo’y siya na ang bida?

Paano? Magpapaawa? Magpapaapi gaya ng sa mga telenovela? Puta.

Nagseselos ako, pero hindi ko pinapahalata. Ayokong magduda ka.

Ayokong makita mong may mali sa ikinikilos ko.

Ayokong magtanong ka pa, dahil hindi pa ako handang sabihin sa’yo na mahal kita.

Nagseselos ako kasi ayokong maagaw ka sa akin ng iba. Ngunit bakit hindi ko magawang ipagtapat sa’yo ang nararamdaman ko?

Ate?

Mercedes

Tuwa at lungkot ang nadarama sa tuwing aking babalikan ang alaala nating dalawa.

Tuwa dahil sa alam kong sa landas mong tinatahak, ika’y masaya.

Lungkot dahil sana, kahit paano ay nasamahan kita.

Oo, nakaka-miss ka.

Mata mong mapungay, pisnging mapula, ngiting kaaya-aya, oo. Nakaka-miss ka.

Ngunit ‘di na tayo tulad ng dati.

Ibalik man natin ang panahon, wala na ang dating kislap ng ating pagsasama.

Wala na ang dati. Umusad na ang oras. Tapos na ang lahat.

Kaya ako’y muling matutulog at magigising nang walang inaalalang ikaw.

Hanggang sa muli akong madaan sa iniiwasan kong alaalang mapanglaw.